Sunday, June 13, 2010

SHADOWS









By Jeffrey R. Ballares

(Poem)

Standin’ by the edge on an empty street

Is me wearing a deep-black sorrow

Every glance… every chance…

Oh what I have done?


I have carried a veil of absolute melancholy

For I am a sinner? Shamefaced!

And emotions have risen full

As if I have made them fool!


Time passed by as a zephyr

Shifting gloomy room…

It feels like doom!


I have cried a billion tears

Reaching a momentum, shaping my soul.

But as I walk through the valley of dawn

Is me staggering back to the edge of the empty street

I found them all smiling at me

And I know…I know

THE TALE OF THE HIDDEN KIOSK



By Jeffrey R. Ballares

(Love Story)

Naniniwala ako tungkol sa kuwento ng nakatagong kiyosko sa masukal na kakahuyan. Sa katunayan, kasalukuyang nakalapat ngayon ang dalawa kong talampakan sa nanlalamig na sahig ng kiyoskong ito na huli kong natapakan ilang taon na ang nakalilipas…noong ako’y labindalawang taong gulang pa lamang. Ngayon ay dalawampu na ako.

Malaki na rin ang ipinagbago ng kiyosko simula ng huli ko itong makita. Mas niluma na ito ng panahon. Tuluyan nang niyayakap ng mga halamang gumagapang ang apat na poste na sumusuporta sa istruktura. Ang bilugang bubungan nito ay kababakasan na rin ng mga bitak-bitak tanda ng katandaan. Kumbaga sa tao, bilang na ang mga araw nito bago tuluyang bumigay.

At bumitaw.

Sariwa pa sa isipan ko magpahanggang-ngayon ang kuwento ukol sa nakakubling kiyoskong ito. Ang ina ko pa ang nagsalaysay sa akin ng hiwagang bumabalot dito. Ang sabi niya, sa tuwing sasapit daw ang huling araw ng buwan ng Mayo ng bawat taon ay may dalawang kaluluwang nakatakdang magtagpo sa kiyoskong ito. Isang babae at isang lalaki. Ang pares na iyon ang itinakda ng tadhana para sa isa’t-isa. Sila ay magkakasama at magmamahalan habang buhay.

Minabuti kong ilabas ang aking plawta at simulang tugtugin ang pinakapaborito kong piyesa, ang Surprise Symphony. Lumikha ang instrumento ng kaaya-ayang musika sa gitna ng kakahuyan. Ang malamyos na huni ng mga ibon sa lilim ng mga punong-kahoy na nakapaligid doon ay nakikisabay din sa aking melodiya. At masasabi kong tunay na gumagaan ang aking pakiramdam sa tuwing tinutugtog ko ang itinatangi kong piyesang ito.

Matapos kong tumugtog ay bigla na lamang akong nakarinig ng sunod-sunod na palakpak mula sa aking likuran. Kaagad akong pumihit upang lingunin ang pinagmulan ng tunog at upang malaman kung sino ang taong naroroon.

“Bonek?!” wika ko na pilit kinikilala kung ang aking kaharap ay si Bonek nga na aking kababata. “Bonek ikaw nga!” tuwang-tuwa ako sa malaking ipinagbago ng kababata kong babae. Dalagang-dalaga na ito ngayon!

Lumapit ang dalaga sa akin at biglang kinurot ang aking ilong. Napa-aray pa ako sa sobrang sakit.

“Sa susunod, huwag mo na akong tatawaging Bonek huh! Hindi na ako bata. Gusto mo rin bang tawagin kita sa palayaw mong Burnok?” turan ng dalaga sa akin.

“Ayaw ko nga! Ampangit-pangit nun eh!” tanggi ko habang sinasapo ang aking ilong upang mapawi ang sakit dulot ng pagkakakurot.

“Oh, eh ano na ang itatawag mo sa akin simula ngayon?” nakapameywang pa ang dalaga na tila nag-isip bata sa pagtatanong.

“Ok…sige na nga Sophia.” kasunod non’ ay nagpakawala ako ng isang buntong-hininga.

“Yan, ganyan nga Kief!” nangingiting sambit ng kababata ko habang diretsong nakatitig sa akin. “Hindi ka pa rin nagbabago, pagtugtog pa rin ng plawta ang libangan mo.” hiniram niya mula sa akin ang instrumento.

Sinubukan niyang hipan ang plawta ngunit hindi siya nakalikha ng tamang tono. Hindi kasi siya marunong.

“Teka Sophia, paano mo nalaman ang lugar na ito.?” tanong ko na lang sa kanya.

“Ako? Matagal ko nang alam ang lugar na ito. Bata pa lang tayo. Ikaw? Paano mo rin nalaman na may ganitong lugar dito sa kasukalan ng kakahuyan?” pagbabalik-tanong sa akin ni Sophia. Kapagkuwa’y ibinalik na rin ang plawta.

“Ahm, ikinuwento kasi sa akin ng mama ko yung tungkol sa kuwento ng nakatagong kiyoskong ito.” sabi ko naman habang nakadako ang tingin sa mga dahong nalalagas mula sa sanga ng isang puno sa di kalayuan.

“Alam mo rin ang tungkol sa kuwentong iyon?” namimilog ang mga matang tanong sa akin ni Sophia. Naging interesado sa mga huling katagang namutawi sa aking labi.

Tumango naman ako tanda ng pag-oo.

Bigla naman niyang binawi ang titig sa akin.

“Hindi naman totoo ang kuwento tungkol sa kiyoskong ito. Na sa huling araw daw ng buwan ng Mayo ay may nakatadhanang magkita rito. Na sila ang magkakatuluyan.”ani Sophia.

“Paano mo naman nasabi ang bagay na iyan?”tanong ko naman.

“Sinubukan ko na kasi noon. Noong labindalawang taong gulang pa lang tayo. Iyon na yung una at huling pagkakataon kong tumapak sa kiyoskong ito.”sagot ni Sophia.

“Oh, pagkatapos? Anong nangyari?”dugtong ko.

“Ayun, makulimlim ang araw noon nang dumating akong mag-isa dito sa kiyosko. Mga ilang oras din akong naghintay noon pero ‘ni bakas o anino ng lalaking nakatakda para sa akin eh hindi naman dumating.” Bakas ang pagka-unsyami sa mukha ng kababata ko, “Inabutan pa nga ako ng ulan sa paghihintay eh. Ayun, pagtila ng ulan dali-dali na rin akong umalis dahil ayaw kong maghintay para lang sa wala.”

Napahalakhak ako sa isinalaysay sa akin ni Sophia.

“Pareho pala tayo ng naging kapalaran! Ha! Ha! Ha!” hindi ko mapigilan ang pagtawa dahil sa hitsura ng mukha ni Sophia nang maunsyami ito.

“Sige, tawanan mo pa ako.” umirap pa sa akin ang dalaga. “At ano naman ang nangyari sayo at nasabi mong pareho tayo ng naging kapalaran?”

Tumigil ako sa pagtawa at humarap ng mabuti kay Sophia.

“Labindalawang taong gulang din ako noon nang huli akong tumapak sa kiyoskong ito. Tulad mo, nagpunta din ako noong huling araw ng Mayo sa lugar na ito para malaman kung sino ang babaeng nakatadhana para sa akin. Alam ko medyo korni pero wala namang masama kung susubukan.” Inalis ko ang pokus ng aking pagtingin sa kanya at idinako sa ibang direksyon. “Sa kasamaang palad, minalas ako. Walang dumating.” sinundan iyon ng aking pagkibit-balikat.

“Ganoon ba?” sambit ni Sophia. Naramdaman ko ang simpatya sa malambing niyang tinig.

“Oo. Paano ba naman kasi, sa sobrang pagmamadali kong makapunta sa lugar na ito eh natisod ako sa isang bato. Hayun, nadapa ako at nagkaroon ng malaking sugat.” ipinakita ko pa kay Sophia ang peklat na iniwan ng sugat walong taon na ang nakararaan.

Nagpatuloy ako sa pagkukuwento.

“Sa tindi nga ng sakit niyan eh wala akong nagawa kundi sumandal sa isang puno upang doon muna magpalipas ng ilang sandali. Inabutan na ako ng malakas na ulan non’. Makulimlim kasi ang buong kapaligiran. Hayun, pagdating ko dito sa kiyosko eh lubusan nang tumila ang ulan. Ilang oras din akong naghintay pero walang dumating.” paliwanag ko kay Sophia.

Biglang natigilan ang dalagang kaharap ko sa lahat ng aking sinabi. Tila isa siyang nakatulos na kandila sa kanyang kinatatayuan.

“I-ibig mong sabihin,---nagpunta ka rin ng araw na iyon sa kiyoskong ito? Noong May 31, 2000?” medyo nanginginig ang boses ng kababata ko nang bigkasin ang mga katanungang iyon.

Sumandali muna akong nag-isip bago sumagot.

“Oo. Sa katunayan, may napulot pa nga akong hikaw sa sahig ng kiyosko nang sandaling dumating ako.” inilabas ko ang aking wallet at inilantad mula sa loob non’ ang isang kumikinang na hikaw. “Heto oh.”

Hindi makapagsalita si Sophia sa sobrang hindi pagkapaniwala.

“Sa akin ang hikaw na ito Kief!” bulalas ni Sophia sa akin na tila may gustong ipahiwatig.

Pumailanlang ang nakabibinging katahimikan.

Binasag iyon ni Sophia.

“Ibig sabihin, kung hindi lang sana ako umalis kaagad at nagpalipas muna ng ilang sandali noon dito sa kiyosko ay makikita ko ang pagdating mo?” ani Sophia na ang tinutukoy ay walang iba kundi ako.

“At kung naging maaga lang sana ng ilang sandali ang pagdating ko noon dito sa kiyosko’y naabutan sana kita.” dugtong ko naman sa kanya.

“Ibig sabihin pala’y,--- tayo ang nakatadhana kung sakaling nagpang-abot tayo noon sa ilalim ng kiyoskong ito.” nakatungo si Sophia nang banggitin niya ang bagay na iyon. Nailang sa nalaman.

Napatungo rin ako at nailang ding tumingin sa dalaga dahil sa aming mga napagtanto.

“Naku Kief! Kuwento lang naman iyon. Hindi naman talaga iyon totoo. Siyangapala, malapit na ang kaarawan ng kababata nating si Selwyn. Iniimbita niya tayong lahat ng mga kababata niya.” paglilihis ni Sophia sa usapan.

“Si Selwyn? Ah, si Dekdek!” bigla kong naalaala. “Kita mo nga naman. Tumuntong na rin siya sa pagiging beinte anyos. Teka, ano na ba’ng petsa ngayon? Ilang araw na lang yata bago ang kaarawan niya ah!” tanong ko sa dalagang kausap.

“Sandali, hindi ko alam eh.” tugon sa akin ni Sophia. Minabuti na lamang niyang kunin ang cellphone upang doon tingnan ang petsa ng araw ngayon.

Ganoon na lamang ang pagkagulat naming dalawa nang makita kung ano ang petsa ng araw na iyon!

May 31, 2008.

Huling araw sa buwan ng Mayo ng taong ito.

Dahan-dahan kaming nagkatinginan. Mas lalo kong namalas ang kagandahan sa kanyang mukha.

Pareho kaming pinamulahan ng mukha.

Kasunod ng pagsilay ng matatamis na ngiti mula sa aming mga labi.

***Wakas***

BANGUNGOT


Ni Jeffrey R. Ballares

(Mystery)


March 19, 2010.

Napakasama ng loob ni Jigz habang naglalakad siya palabas ng unibersidad na pinapasukan. Napakabigat ng kanyang pakiramdam na tila ba ito na ang pinakahuling araw ng buhay niya. Kung bakit ba kasi pinahintulutan ng tadhana na mangyari ang bagay na ito.

Matatapos na ang semestre, ang mga ibang guro ay nakapagbigay na ng classcards sa kanilang mga estudyante. Magaganda naman ang resulta ng gradong nakuha ni Jigz sa ibang asignatura, ngunit talagang nababahala siya sa isa niyang subject...ang “sociology”.

“Sa tingin ko mukhang hindi magiging maganda ang resulta ng grado ko kay Sir.” halata sa mukha ni Jigz ang bigat ng kalooban ng sabihin ang bagay na iyon sa isang kaibigan, “Nagpabaya kasi ako sa pag-aaral sa subject na iyon eh. Isa pa, mahirap lang talaga ang subject niya.”

Sumakay ng jeep si Jigz. Huminga ng malalim saka nagpakawala ng isang buntong-hininga. Sigurado na talaga siyang mababa ng makukuha niyang grado sa oras na makuha niya ang classcard sa sociology dahil sa mga bagsak niyang exams. At ang mababang grado na iyon ang magiging dahilan upang mawala ang kanyang scholarship...na lubos na ikakalungkot hindi lamang niya kundi pati na rin ng kanyang mga magulang.

Pagdating ng bahay ay tuloy-tuloy siyang dumiretso sa kwarto at humiga sa kama. Sunod-sunod uli siyang nagpakawala ng buntong-hininga, nais maibsan ang pighating nadarama.

“Kung maibabalik ko lang sana ang oras, siguro may magagawa pa akong paraan para pataasin ang resulta ng mga exams ko.” anas ni Jigz sa sarili na parang gusto nang magwala ng mga sandaling iyon.

Ilang sandali pa’y nangibabaw na ang lumbay kay Jigz, nag-unahan ang mga luha sa kanyang mga pisngi. Hindi niya lubos na matanggap na dahil lang sa subject na iyon ay mawawala na ang kanyang scholarship. Pakiramdam niya, mawawalan na ng kumpiyansa sa kanya ang kaniyang mga magulang. Pakiramdam niya, mawawalan na rin siya ng kumpiyansa sa kanyang sarili.

Maya-maya pa’y dahan-dahang pumikit ang mga mata ni Jigz tungo sa pagtulog.


Nag-alarm ang cellphone ni Jigz ng umagang iyon. Oras na para maghanda siya sa pagpasok. Bumangon siya sa higaan at kinuha ang cellphone. Mag-a-alas sais na ng umaga, ika-12 ng Disyembre taong 2009.

Ika-12 ng Disyembre 2009!!!

Nagulumihanan si Jigz sa nakitang date ng kanyang cellphone. Bakit ika-12 ng Disyembre 2009 ang nakalagay na petsa roon samantalang ika-20 na ng Marso 2010 ngayon! Ang araw ng kuhaan ng classcard niya sa sociology.

Hindi kaya nagloloko na ang kanyang cellphone?

Pumanaog siya mula sa kwarto at naabutan ang ina na naghahain ng almusal sa hapag-kainan.

“Mama, anong araw ngayon?” nais niyang makasiguro sa isasagot ng ina.

“A-dose ng Disyembre ngayon anak.” sagot ng kanyang ina na abala pa rin sa paghahain.

“A-dose ng Disyembre? Year 2009?” nagtataka pa ring tanong ni Jigz sa ina.

“Oo Jigz. Bakit ba anak?”nagsimulang kumunot ang noo ng ina ni Jigz. Nagtaka din sa pagtatanong ng anak sa kanya.

“Sigurado kayo ‘Ma? Hindi ba March 20, 2010 ngayon?” medyo nalilito na si Jigz.

“Jigz anak, masyado ka naman atang excited mag-year 2010.” nakangiti ang kanyang ina nang banggitin ang bagay na iyon, pagkatapos ay bumalik na ito sa kusina.

Dumako ang tingin ni Jigz sa telebisyon kung saan palabas ang isang morning show. Kitang-kita rin niya ang petsa ng araw na iyon.

December 12, 2009.


Lubos na naging maliwanag kay Jigz ang lahat makalipas ang ilang sandali.

“Muling nagbalik ang oras...”aniya sa sarili na hindi talaga makapaniwala.

Pero dapat ba siyang mainis o magalit dahil muling bumalik ang oras? Hindi ba’t dapat ay matuwa pa siya dahil ito na ang sandaling pinakahihintay niya?

Sa wakas ay magagawa na niyang pataasin ang mga resulta sa mga darating na exams niya sa sociology! Magkakaroon na siya ng pagkakataon para mapataas ang grade dito! Hindi na mawawala ang scholarship niya!

Sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi. Ang kaninang pagtatakang nararamdaman ay napalitan ng walang kapantay na kasiyahan.

Lumipas pa ang ilang buwan, ay napagtagumpayan nga ni Jigz na gawing matataas ang resulta ng exams niya sa sociology. Walang pagsidlan ang kanyang kaligayahan.


March 20, 2010.

Araw ng kuhaan ng classcard sa sociology.

Hindi maikubli ni Jigz ang kasiyahan ng makita sa classcard niya ang mataas na grado sa sociology. Tuwang-tuwa siya at parang gusto niyang magtatalon sa sobrang tuwa.

Hindi niya alam kung bakit, ngunit bigla na lang nakaramdam ng pagkasabik si Jigz na ipakita sa mga magulang ang nakuhang grado sa asignatura niyang iyon. Hindi na siya nag-aksaya pa ng oras at umuwi sa kanilang bahay.

Ganoon na lang ang pagtataka ni Jigz ng makitang maraming bisita pagkauwi niya sa kanilang bahay. Lahat ng mga ito ay tahimik at kababakasan ng kalungkutan sa kanilang mga mukha. Maya-maya pa’y nakarinig na siya ng mga hikbi.

Mga hikbi ng kanyang ina at ng kanyang ama!

Mula sa labas ng bahay ay pumasok siya sa salas at doon ay naabutan ang ama’t ina na humihikbi sa harap ng isang kabaong.

Nangilabot si Jigz sa natunghayan!

Sino ang nakaburol na iniiyakan ng kanyang mga magulang?

“Mama! Papa!” kaagad siyang lumapit sa mga magulang at saka tumingin sa taong nakahimlay sa ataol.

Nanlaki ang mga mata ni Jigz nang MAKITA ANG SARILI SA LOOB NG KABAONG! Nakapikit. Wala ng buhay!

Nanlamig ang buong katawan ni Jigz. Binalutan siya ng pagkasindak at hilakbot. Hindi siya makapagsalita. Hindi siya makagalaw. Mas lalong nangingibabaw sa pandinig niya ang mga hagulgol ng ina.

Inilabas niya ang classcard mula sa kanyang hawak na bag. Nanginginig pa ang kanyang mga palad sa pagkuha nito. Kasunod noon ay namalayan na lang niyang lumuluha na rin pala siya.

“Isa ka lang palang BANGUNGOT!” binitawan ni Jigz ang classcard na noon ay nilipad ng hangin palabas ng bintana.

Napaluhod siya at humagulgol ng pag-iyak.

END