Sunday, June 13, 2010

THE TALE OF THE HIDDEN KIOSK



By Jeffrey R. Ballares

(Love Story)

Naniniwala ako tungkol sa kuwento ng nakatagong kiyosko sa masukal na kakahuyan. Sa katunayan, kasalukuyang nakalapat ngayon ang dalawa kong talampakan sa nanlalamig na sahig ng kiyoskong ito na huli kong natapakan ilang taon na ang nakalilipas…noong ako’y labindalawang taong gulang pa lamang. Ngayon ay dalawampu na ako.

Malaki na rin ang ipinagbago ng kiyosko simula ng huli ko itong makita. Mas niluma na ito ng panahon. Tuluyan nang niyayakap ng mga halamang gumagapang ang apat na poste na sumusuporta sa istruktura. Ang bilugang bubungan nito ay kababakasan na rin ng mga bitak-bitak tanda ng katandaan. Kumbaga sa tao, bilang na ang mga araw nito bago tuluyang bumigay.

At bumitaw.

Sariwa pa sa isipan ko magpahanggang-ngayon ang kuwento ukol sa nakakubling kiyoskong ito. Ang ina ko pa ang nagsalaysay sa akin ng hiwagang bumabalot dito. Ang sabi niya, sa tuwing sasapit daw ang huling araw ng buwan ng Mayo ng bawat taon ay may dalawang kaluluwang nakatakdang magtagpo sa kiyoskong ito. Isang babae at isang lalaki. Ang pares na iyon ang itinakda ng tadhana para sa isa’t-isa. Sila ay magkakasama at magmamahalan habang buhay.

Minabuti kong ilabas ang aking plawta at simulang tugtugin ang pinakapaborito kong piyesa, ang Surprise Symphony. Lumikha ang instrumento ng kaaya-ayang musika sa gitna ng kakahuyan. Ang malamyos na huni ng mga ibon sa lilim ng mga punong-kahoy na nakapaligid doon ay nakikisabay din sa aking melodiya. At masasabi kong tunay na gumagaan ang aking pakiramdam sa tuwing tinutugtog ko ang itinatangi kong piyesang ito.

Matapos kong tumugtog ay bigla na lamang akong nakarinig ng sunod-sunod na palakpak mula sa aking likuran. Kaagad akong pumihit upang lingunin ang pinagmulan ng tunog at upang malaman kung sino ang taong naroroon.

“Bonek?!” wika ko na pilit kinikilala kung ang aking kaharap ay si Bonek nga na aking kababata. “Bonek ikaw nga!” tuwang-tuwa ako sa malaking ipinagbago ng kababata kong babae. Dalagang-dalaga na ito ngayon!

Lumapit ang dalaga sa akin at biglang kinurot ang aking ilong. Napa-aray pa ako sa sobrang sakit.

“Sa susunod, huwag mo na akong tatawaging Bonek huh! Hindi na ako bata. Gusto mo rin bang tawagin kita sa palayaw mong Burnok?” turan ng dalaga sa akin.

“Ayaw ko nga! Ampangit-pangit nun eh!” tanggi ko habang sinasapo ang aking ilong upang mapawi ang sakit dulot ng pagkakakurot.

“Oh, eh ano na ang itatawag mo sa akin simula ngayon?” nakapameywang pa ang dalaga na tila nag-isip bata sa pagtatanong.

“Ok…sige na nga Sophia.” kasunod non’ ay nagpakawala ako ng isang buntong-hininga.

“Yan, ganyan nga Kief!” nangingiting sambit ng kababata ko habang diretsong nakatitig sa akin. “Hindi ka pa rin nagbabago, pagtugtog pa rin ng plawta ang libangan mo.” hiniram niya mula sa akin ang instrumento.

Sinubukan niyang hipan ang plawta ngunit hindi siya nakalikha ng tamang tono. Hindi kasi siya marunong.

“Teka Sophia, paano mo nalaman ang lugar na ito.?” tanong ko na lang sa kanya.

“Ako? Matagal ko nang alam ang lugar na ito. Bata pa lang tayo. Ikaw? Paano mo rin nalaman na may ganitong lugar dito sa kasukalan ng kakahuyan?” pagbabalik-tanong sa akin ni Sophia. Kapagkuwa’y ibinalik na rin ang plawta.

“Ahm, ikinuwento kasi sa akin ng mama ko yung tungkol sa kuwento ng nakatagong kiyoskong ito.” sabi ko naman habang nakadako ang tingin sa mga dahong nalalagas mula sa sanga ng isang puno sa di kalayuan.

“Alam mo rin ang tungkol sa kuwentong iyon?” namimilog ang mga matang tanong sa akin ni Sophia. Naging interesado sa mga huling katagang namutawi sa aking labi.

Tumango naman ako tanda ng pag-oo.

Bigla naman niyang binawi ang titig sa akin.

“Hindi naman totoo ang kuwento tungkol sa kiyoskong ito. Na sa huling araw daw ng buwan ng Mayo ay may nakatadhanang magkita rito. Na sila ang magkakatuluyan.”ani Sophia.

“Paano mo naman nasabi ang bagay na iyan?”tanong ko naman.

“Sinubukan ko na kasi noon. Noong labindalawang taong gulang pa lang tayo. Iyon na yung una at huling pagkakataon kong tumapak sa kiyoskong ito.”sagot ni Sophia.

“Oh, pagkatapos? Anong nangyari?”dugtong ko.

“Ayun, makulimlim ang araw noon nang dumating akong mag-isa dito sa kiyosko. Mga ilang oras din akong naghintay noon pero ‘ni bakas o anino ng lalaking nakatakda para sa akin eh hindi naman dumating.” Bakas ang pagka-unsyami sa mukha ng kababata ko, “Inabutan pa nga ako ng ulan sa paghihintay eh. Ayun, pagtila ng ulan dali-dali na rin akong umalis dahil ayaw kong maghintay para lang sa wala.”

Napahalakhak ako sa isinalaysay sa akin ni Sophia.

“Pareho pala tayo ng naging kapalaran! Ha! Ha! Ha!” hindi ko mapigilan ang pagtawa dahil sa hitsura ng mukha ni Sophia nang maunsyami ito.

“Sige, tawanan mo pa ako.” umirap pa sa akin ang dalaga. “At ano naman ang nangyari sayo at nasabi mong pareho tayo ng naging kapalaran?”

Tumigil ako sa pagtawa at humarap ng mabuti kay Sophia.

“Labindalawang taong gulang din ako noon nang huli akong tumapak sa kiyoskong ito. Tulad mo, nagpunta din ako noong huling araw ng Mayo sa lugar na ito para malaman kung sino ang babaeng nakatadhana para sa akin. Alam ko medyo korni pero wala namang masama kung susubukan.” Inalis ko ang pokus ng aking pagtingin sa kanya at idinako sa ibang direksyon. “Sa kasamaang palad, minalas ako. Walang dumating.” sinundan iyon ng aking pagkibit-balikat.

“Ganoon ba?” sambit ni Sophia. Naramdaman ko ang simpatya sa malambing niyang tinig.

“Oo. Paano ba naman kasi, sa sobrang pagmamadali kong makapunta sa lugar na ito eh natisod ako sa isang bato. Hayun, nadapa ako at nagkaroon ng malaking sugat.” ipinakita ko pa kay Sophia ang peklat na iniwan ng sugat walong taon na ang nakararaan.

Nagpatuloy ako sa pagkukuwento.

“Sa tindi nga ng sakit niyan eh wala akong nagawa kundi sumandal sa isang puno upang doon muna magpalipas ng ilang sandali. Inabutan na ako ng malakas na ulan non’. Makulimlim kasi ang buong kapaligiran. Hayun, pagdating ko dito sa kiyosko eh lubusan nang tumila ang ulan. Ilang oras din akong naghintay pero walang dumating.” paliwanag ko kay Sophia.

Biglang natigilan ang dalagang kaharap ko sa lahat ng aking sinabi. Tila isa siyang nakatulos na kandila sa kanyang kinatatayuan.

“I-ibig mong sabihin,---nagpunta ka rin ng araw na iyon sa kiyoskong ito? Noong May 31, 2000?” medyo nanginginig ang boses ng kababata ko nang bigkasin ang mga katanungang iyon.

Sumandali muna akong nag-isip bago sumagot.

“Oo. Sa katunayan, may napulot pa nga akong hikaw sa sahig ng kiyosko nang sandaling dumating ako.” inilabas ko ang aking wallet at inilantad mula sa loob non’ ang isang kumikinang na hikaw. “Heto oh.”

Hindi makapagsalita si Sophia sa sobrang hindi pagkapaniwala.

“Sa akin ang hikaw na ito Kief!” bulalas ni Sophia sa akin na tila may gustong ipahiwatig.

Pumailanlang ang nakabibinging katahimikan.

Binasag iyon ni Sophia.

“Ibig sabihin, kung hindi lang sana ako umalis kaagad at nagpalipas muna ng ilang sandali noon dito sa kiyosko ay makikita ko ang pagdating mo?” ani Sophia na ang tinutukoy ay walang iba kundi ako.

“At kung naging maaga lang sana ng ilang sandali ang pagdating ko noon dito sa kiyosko’y naabutan sana kita.” dugtong ko naman sa kanya.

“Ibig sabihin pala’y,--- tayo ang nakatadhana kung sakaling nagpang-abot tayo noon sa ilalim ng kiyoskong ito.” nakatungo si Sophia nang banggitin niya ang bagay na iyon. Nailang sa nalaman.

Napatungo rin ako at nailang ding tumingin sa dalaga dahil sa aming mga napagtanto.

“Naku Kief! Kuwento lang naman iyon. Hindi naman talaga iyon totoo. Siyangapala, malapit na ang kaarawan ng kababata nating si Selwyn. Iniimbita niya tayong lahat ng mga kababata niya.” paglilihis ni Sophia sa usapan.

“Si Selwyn? Ah, si Dekdek!” bigla kong naalaala. “Kita mo nga naman. Tumuntong na rin siya sa pagiging beinte anyos. Teka, ano na ba’ng petsa ngayon? Ilang araw na lang yata bago ang kaarawan niya ah!” tanong ko sa dalagang kausap.

“Sandali, hindi ko alam eh.” tugon sa akin ni Sophia. Minabuti na lamang niyang kunin ang cellphone upang doon tingnan ang petsa ng araw ngayon.

Ganoon na lamang ang pagkagulat naming dalawa nang makita kung ano ang petsa ng araw na iyon!

May 31, 2008.

Huling araw sa buwan ng Mayo ng taong ito.

Dahan-dahan kaming nagkatinginan. Mas lalo kong namalas ang kagandahan sa kanyang mukha.

Pareho kaming pinamulahan ng mukha.

Kasunod ng pagsilay ng matatamis na ngiti mula sa aming mga labi.

***Wakas***

No comments:

Post a Comment