Ni Jeffrey R. Ballares
(Mystery)
March 19, 2010.
Napakasama ng loob ni Jigz habang naglalakad siya palabas ng unibersidad na pinapasukan. Napakabigat ng kanyang pakiramdam na tila ba ito na ang pinakahuling araw ng buhay niya. Kung bakit ba kasi pinahintulutan ng tadhana na mangyari ang bagay na ito.
Matatapos na ang semestre, ang mga ibang guro ay nakapagbigay na ng classcards sa kanilang mga estudyante. Magaganda naman ang resulta ng gradong nakuha ni Jigz sa ibang asignatura, ngunit talagang nababahala siya sa isa niyang subject...ang “sociology”.
“Sa tingin ko mukhang hindi magiging maganda ang resulta ng grado ko kay Sir.” halata sa mukha ni Jigz ang bigat ng kalooban ng sabihin ang bagay na iyon sa isang kaibigan, “Nagpabaya kasi ako sa pag-aaral sa subject na iyon eh. Isa pa, mahirap lang talaga ang subject niya.”
Sumakay ng jeep si Jigz. Huminga ng malalim saka nagpakawala ng isang buntong-hininga. Sigurado na talaga siyang mababa ng makukuha niyang grado sa oras na makuha niya ang classcard sa sociology dahil sa mga bagsak niyang exams. At ang mababang grado na iyon ang magiging dahilan upang mawala ang kanyang scholarship...na lubos na ikakalungkot hindi lamang niya kundi pati na rin ng kanyang mga magulang.
Pagdating ng bahay ay tuloy-tuloy siyang dumiretso sa kwarto at humiga sa kama. Sunod-sunod uli siyang nagpakawala ng buntong-hininga, nais maibsan ang pighating nadarama.
“Kung maibabalik ko lang sana ang oras, siguro may magagawa pa akong paraan para pataasin ang resulta ng mga exams ko.” anas ni Jigz sa sarili na parang gusto nang magwala ng mga sandaling iyon.
Ilang sandali pa’y nangibabaw na ang lumbay kay Jigz, nag-unahan ang mga luha sa kanyang mga pisngi. Hindi niya lubos na matanggap na dahil lang sa subject na iyon ay mawawala na ang kanyang scholarship. Pakiramdam niya, mawawalan na ng kumpiyansa sa kanya ang kaniyang mga magulang. Pakiramdam niya, mawawalan na rin siya ng kumpiyansa sa kanyang sarili.
Maya-maya pa’y dahan-dahang pumikit ang mga mata ni Jigz tungo sa pagtulog.
Nag-alarm ang cellphone ni Jigz ng umagang iyon. Oras na para maghanda siya sa pagpasok. Bumangon siya sa higaan at kinuha ang cellphone. Mag-a-alas sais na ng umaga, ika-12 ng Disyembre taong 2009.
Ika-12 ng Disyembre 2009!!!
Nagulumihanan si Jigz sa nakitang date ng kanyang cellphone. Bakit ika-12 ng Disyembre 2009 ang nakalagay na petsa roon samantalang ika-20 na ng Marso 2010 ngayon! Ang araw ng kuhaan ng classcard niya sa sociology.
Hindi kaya nagloloko na ang kanyang cellphone?
Pumanaog siya mula sa kwarto at naabutan ang ina na naghahain ng almusal sa hapag-kainan.
“Mama, anong araw ngayon?” nais niyang makasiguro sa isasagot ng ina.
“A-dose ng Disyembre ngayon anak.” sagot ng kanyang ina na abala pa rin sa paghahain.
“A-dose ng Disyembre? Year 2009?” nagtataka pa ring tanong ni Jigz sa ina.
“Oo Jigz. Bakit ba anak?”nagsimulang kumunot ang noo ng ina ni Jigz. Nagtaka din sa pagtatanong ng anak sa kanya.
“Sigurado kayo ‘Ma? Hindi ba March 20, 2010 ngayon?” medyo nalilito na si Jigz.
“Jigz anak, masyado ka naman atang excited mag-year 2010.” nakangiti ang kanyang ina nang banggitin ang bagay na iyon, pagkatapos ay bumalik na ito sa kusina.
Dumako ang tingin ni Jigz sa telebisyon kung saan palabas ang isang morning show. Kitang-kita rin niya ang petsa ng araw na iyon.
December 12, 2009.
Lubos na naging maliwanag kay Jigz ang lahat makalipas ang ilang sandali.
“Muling nagbalik ang oras...”aniya sa sarili na hindi talaga makapaniwala.
Pero dapat ba siyang mainis o magalit dahil muling bumalik ang oras? Hindi ba’t dapat ay matuwa pa siya dahil ito na ang sandaling pinakahihintay niya?
Sa wakas ay magagawa na niyang pataasin ang mga resulta sa mga darating na exams niya sa sociology! Magkakaroon na siya ng pagkakataon para mapataas ang grade dito! Hindi na mawawala ang scholarship niya!
Sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi. Ang kaninang pagtatakang nararamdaman ay napalitan ng walang kapantay na kasiyahan.
Lumipas pa ang ilang buwan, ay napagtagumpayan nga ni Jigz na gawing matataas ang resulta ng exams niya sa sociology. Walang pagsidlan ang kanyang kaligayahan.
March 20, 2010.
Araw ng kuhaan ng classcard sa sociology.
Hindi maikubli ni Jigz ang kasiyahan ng makita sa classcard niya ang mataas na grado sa sociology. Tuwang-tuwa siya at parang gusto niyang magtatalon sa sobrang tuwa.
Hindi niya alam kung bakit, ngunit bigla na lang nakaramdam ng pagkasabik si Jigz na ipakita sa mga magulang ang nakuhang grado sa asignatura niyang iyon. Hindi na siya nag-aksaya pa ng oras at umuwi sa kanilang bahay.
Ganoon na lang ang pagtataka ni Jigz ng makitang maraming bisita pagkauwi niya sa kanilang bahay. Lahat ng mga ito ay tahimik at kababakasan ng kalungkutan sa kanilang mga mukha. Maya-maya pa’y nakarinig na siya ng mga hikbi.
Mga hikbi ng kanyang ina at ng kanyang ama!
Mula sa labas ng bahay ay pumasok siya sa salas at doon ay naabutan ang ama’t ina na humihikbi sa harap ng isang kabaong.
Nangilabot si Jigz sa natunghayan!
Sino ang nakaburol na iniiyakan ng kanyang mga magulang?
“Mama! Papa!” kaagad siyang lumapit sa mga magulang at saka tumingin sa taong nakahimlay sa ataol.
Nanlaki ang mga mata ni Jigz nang MAKITA ANG SARILI SA LOOB NG KABAONG! Nakapikit. Wala ng buhay!
Nanlamig ang buong katawan ni Jigz. Binalutan siya ng pagkasindak at hilakbot. Hindi siya makapagsalita. Hindi siya makagalaw. Mas lalong nangingibabaw sa pandinig niya ang mga hagulgol ng ina.
Inilabas niya ang classcard mula sa kanyang hawak na bag. Nanginginig pa ang kanyang mga palad sa pagkuha nito. Kasunod noon ay namalayan na lang niyang lumuluha na rin pala siya.
“Isa ka lang palang BANGUNGOT!” binitawan ni Jigz ang classcard na noon ay nilipad ng hangin palabas ng bintana.
Napaluhod siya at humagulgol ng pag-iyak.
END
No comments:
Post a Comment