Jeffrey R. Ballares
(Mystery)
Sa dalawang magkapatid na babae na sina Jane at Jess, masasabing lahat ng magagandang katangian na hinahanap ng isang magulang sa kanyang anak ay tinataglay ng una.
Kilalang consistent honor student si Jane sa buong paaralan. Kasali din siya sa varsity team kung saan nakapag-uuwi siya ng mga medalya at tropeong napanalunan mula sa mga kompetisyong sinalihan. Kung kabutihang-asal lang din naman ang mapag-uusapan, wala ring masamang tinapay sa kanyang pag-uugali. Lahat ng ito ay ipinagmamalaki ng kanyang mga magulang sa lahat ng kanilang malalapit na kamag-anak at kaibigan. Itinuturing siyang hulog ng langit ng kanyang ama at ina.
Sa kabilang banda, pinagmamasdan lamang ni Jess ang lahat ng mga papuri sa kanyang nakatatandang kapatid na si Jane. Pero sa totoo lang, inggit na inggit siya sa kapatid na halos isang taon lang ang tanda sa kanya. Mas lalo pa siyang nainggit nang malamang reregaluhan ng kanyang mga magulang si Jane ng bagong cellphone sa darating na ika-16 nitong kaarawan.
Mas lalong tumindi ang kanyang pagseselos!
Totoong hindi niya kayang pantayan ang anumang mga katangiang taglay ng kanyang ate. Ngunit, hindi naman ata siya makakapayag na palagi na lamang si Jane ang sentro ng atensyon ng pamilya samantalang siya ay binabalewala lamang ng ama’t ina.
Mula sa pagkakahiga sa kama niya ay biglang bumangon si Jess. Sa sobrang kaiisip ay naisipan na lang niyang magpahangin ng gabing iyon. Binuksan niya ang bintana at nagulat ng biglang may kung anong mga inilipad ang hangin papasok sa kanyang kwarto.
“Mga dahon ng punong acacia ito ah...”mahinang wika ni Jess habang pinagmamasdan ang mga nagkalat na dahon sa sahig.
Umaga. Alas 7:00.
Pagpasok na pagpasok pa lamang ni Jess sa klase ay usap-usapan na ang tungkol sa nangyari sa kaklase niyang si Reggie.
“Bakit? Anong nangyari kay Reggie?” tanong ni Jess sa isang babaeng kaklase, takang-taka siya at walang kaalam-alam. Umupo siya sa kanyang desk.
“Hindi mo ba nabalitaan Jess? Naaksidente si Reggie...patay!” may bahid ng pagkatakot ang pagbalita ng kanyang kamag-aral.
“Ha?! Bakit daw? Anong ikina-aksidente?” muli pa niyang pagtatanong.
“Nasagasaan siya ng truck kahapon sa may tapat ng campus. Nyiii...kinikilabutan ako!” hinimas-himas pa ng kaklase niya ang magkabilang braso.
“Sayang ano? Kung kailan pa naman maginhawa na ang buhay nila. Hindi biro ang manalo ng ilang milyon sa lotto hindi ba?’ dagdag pa ng isa niyang kaklase.
Natahimik lamang si Jess sa kinauupuan. Totoo ngang nakakakilabot ang balitang kanyang nalaman. Kahapon lamang ay nakausap pa niya si Reggie bago mag-uwian.
Noon lang at natabig niya ang isa niyang libro na nakalapag sa desk. Nalaglag iyon saka bumuklat. Ganoon na lamang ang pagtataka niya ng malamang ang pahinang bumuklat ay naglalaman ng mga naipit na dahon ng acacia!
Nilipad ng hangin ang mga dahong iyon.
Papalabas na sana ng campus si Jess nang makita niyang nag-iisa si Amy sa bench na kinauupuan nito. Linapitan niya ang kaklase.
“Hindi ka ba pupunta sa burol ni Reggie?” tanong ni Jess sa nakaupong babae.
Hindi kumibo si Amy. Tila lumilipad ang isip.
Balisa.
“Amy...?” ani Jess, “Ok ka lang ba?”tinapik pa niya ang balikat nito.
Iyon lang at tila naalimpungatan ang kaklase niya.
“I-ikaw pala yan Jess!” nangatal si Amy sa pagbigkas ng mga salitang iyon. Balisa pa rin siya.
“Bakit parang balisa ka?” umupo na rin si Jess sa bench upang tabihan ang kaklase, “May problema ka ba?”
Hindi na nakatiis pang magsalita si Amy.
“Si Reggie...totoo ang SUMPA!” nanlaki ang mga mata ni Amy nang tumitig kay Jess.
“S-sumpa?” nagtaka si Jess.”Hindi kita maintindihan.”
“Totoo Jess...totoo!” mas lalong naging balisa ang hitsura ni Amy. Namuo ang mga butil ng pawis sa kanyang noo. Nagpalipa-lipat ang tingin sa iba’t-ibang dako.
“Okay, okay...huminahon ka nga muna.” hinimas-himas ni Jess ang likuran ni Amy.”Okay Amy, ngayon mo sabihin sa akin ang tungkol sa sinasabi mong sumpa at ano ang kinalaman non’ kay Reggie.”
Makalipas ang ilang minuto ay nahimasmasan na rin si Amy.
“Nagsimula ang lahat nang sabihin ko sa kanya yung tungkol sa puno ng acacia diyan sa may liblib na bahagi ng campus.” panimula ni Amy.
“Anong tungkol sa puno ng acacia?”
“Jess,” bumuwelo si Amy bago uli nagpatuloy magsalita, “Alam mo bang sa sandaling ibinulong mo sa puno ng acacia ang kahilingan mo ay siguradong MATUTUPAD iyon?!” seryosong-seryoso ang mukha ni Amy sa pagasasalaysay.
“Matutupad? Ang kahilingan mo?” nais makasiguro ni Jess kung nagkakamali ba siya ng pagkakarinig sa sinabi ng kaklase.
“Oo Jess.” tumango pa si Amy, “Sa isang bulong lang ay matutupad ang kahilingan mo.”
Umikot ang mga mata ni Jess.
“Hindi totoo yan Amy. Saan mo ba nakuha yang kuwentong yan.”
“Totoo ang lahat ng sinabi ko dahil iyon ang nangyari kay Reggie. Totoo ang kuwento tungkol sa puno ng acacia na iyon!” seryoso pa rin ang tono ng pananalita ni Amy. Hindi pinansin ang pag-iimbot ng kausap.
Natigilan si Jess.
“Anong ibig mong sabihin Amy?”
“Una kong sinabi ang kuwentong ito kay Reggie. Noong una’y hindi rin siya naniwala tulad mo. Pero bandang huli’y nagkaroon din siya ng interes na patunayan kung totoo nga ito.”
“Ibig mong sabihin...bumulong si Reggie ng kanyang kahilingan sa punong iyon?” naging seryoso na rin si Jess sa harapan ng kausap.
“Ganun na nga. Hiniling niya na manalo ang mga numerong itinaya ng kanyang mga magulang sa lotto. At wala pang ilang oras, natupad ang kahilingan niya!”paliwanag ni Amy.
“Pero maaaring nagkataon lang iyon!” sambit ni Jess.
“Hindi maaaring nagkataon lang ang lahat Jess. Totoong-totoo ang kuwento sa puno ng acacia!” pagpupumilit ni Amy.
Napatayo si Jess mula sa bench.
“Puwes, kung totoo nga ang sinasabi mo---susubukan ko!” hayag ni Jess.
“Huwag Jess! Huwag! Hindi mo alam ang mga susunod na mangyayari!” pagpupumigil sa kanya ni Amy.
Hindi nakinig si Jess, bagkus ay nagtuloy-tuloy siya patungo sa liblib na bahagi ng campus kung saan naroon ang puno ng acacia!
Habol-habol pa rin ni Amy si Jess hanggang sa makarating sila sa lugar na kinatitirikan ng puno ng acacia.
“Makinig ka naman sa akin Jess! Huwag mo nang ituloy ang balak mo! Manganganib ang buhay mo kapag ginawa mo ang ginawa ni Reggie!” pigil ni Amy kay Jess. Nagsisisi kung bakit pa niya naikwento kay Jess ang lahat.
“Ha? Bubulungan ko lang naman ng kahilingan iyong puno pagkatapos manganganib na ang buhay ko? Iyon naman ata ang hindi na kapani-paniwala!” pagbabalewala ni Jess sa sinasabi ng kaklase.
“Jess maniwala ka! Matutupad nga ang kahilingan mo pero buhay mo naman ang magiging kapalit! Isinumpa ang punong iyan! Oras na humiling ka, --- babawian ka ng buhay pagkagat ng dilim sa mismong araw ding iyon!” hinihiyawan na ni Amy si Jess.
“Hahaha!” humalakhak lang si Jess at di na pinansin pa ang tinuran ng kaklase.
Buo na ang loob niya.
Lumapit siya sa puno ng acacia at ibinulong doon ang kanyang kahilingan.
“Sana’y ako na ang maging sentro ng atensyon nina Mama at Papa at hindi na ang kapatid kong si Jane...” bulong ni Jess niya sa puno.
“Huwaaaaaaaaaaagg!!!!!!” sigaw ni Amy saka nanlumo sa kanyang kinatatayuan.
Muling lumipat si Jess at pinukulan ng tingin ang kaklaseng si Amy na noon ay tila na-blangko na ang pag-iisip.
“Huwag kang mag-alala Amy, walang mangyayaring masama sa akin.” paniniguro pa ni Jess.
Kumiriring ang bell ng eskwelahan. Tapos na ang pang-umagang klase.
Uwian na.
Hindi makapaniwala si Jess ng pag-uwi niya sa bahay nila ay sinalubong siya ng mahigpit na yakap ng kanyang mga magulang.
“Anak, may sorpresa kami sayo ng Papa mo.” sabi ng kanyang ina na hinila pa siya sa loob ng kanilang bahay.
Gayon na lamang ang gulat ni Jess nang makita ang isang laptop na nakalapag sa kanilang mesa!
“Para sa iyo yan Jess. Hindi ba matagal mo nang gustong magkaroon ng ganyan? Hayan na anak.” ang sabi naman ng kanyang Papa.
“Regalo namin sayo ng Papa mo yan kasi balita namin, natanggap ka sa school paper ninyo. Naisip namin ng Papa mo na kakailanganin mo yan sa paggawa mo ng magiging articles mo.” dagdag pa ng kanyang ina.
“T-talaga po? A-akin to?” hindi makapagsalita ng diretso si Jess sa nasasaksihan.”Eh paano na po si Ate Jane? Hindi ba sabi ninyo bibilhan niyo rin siya ng ganito?”
“Huwag mo na siyang isipin iha. Hindi niya kailangan yan.” sambit ng ama. “Siyangapala, tawagan mo lahat ng kaklase mo at magpapa-party ako dito mamaya. Ok ba iyon sayo anak?”
“Tatawagan ko rin ang mga kaibigan at kamag-anak natin upang maipagmalaki ko ang anak ko.” nakangiti naman ang ina niya nang bigkasin ang bagay na iyon.
Speechless si Jess sa kinatatayuan. Parang nasa langit ang pakiramdam niya ng mga oras na iyon.
Naisip niya, “Totoo nga ang tungkol sa puno ng acacia!” sumilay ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi.
Hapon. Alas 3:00.
Kumiriring ang telepono sa bahay ni Amy. Kaagad naman niyang sinagot iyon.
“Hello?” si Amy.
“Hello Amy? Si Jess ito. Totoo nga ang tungkol sa kuwento ng puno ng acacia! Nagkatotoo ang kahilingan ko!” tuwang-tuwa si Jess habang binabalitaan ang kaklase sa telepono.
Bigla namang hindi nakapagsalita si Amy sa kanyang kinalalagyan. Muli siyang ginapangan ng matinding pangamba sa dibdib. Kasabay non’ ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso.
“Hello Amy? Amy?’ ani Jess. Inulit-ulit ang pagtawag sa pangalan ng kausap sa telepono.
Noon lang uli nagkaroon ng lakas si Amy upang magsalita.
“Jess, kung totoong natupad ang kahilingan mo ----, nanganganib ngayon ang buhay mo!” bulalas ni Amy. Nanginginig na ang boses.
“Kalokohan iyang sinasabi mo Amy.”
“Maniwala ka. Si Reggie, matapos niyang ibinulong sa puno ang kahilingan kahapon ng dapit-hapon ay may tumawag sa cellphone niya, --- ang mama niya! Ang sabi’y nanalo raw ang numerong itinaya nito sa lotto!” mas lalong bumilis ang pagtibok ng puso ni Amy.
“Kaya nga! Eh di totoo nga ang kuwento.” wika ni Jess na nahahalata na ang panginginig ng boses ni Amy.
“Nag-aagaw na ang liwanag at dilim ng mga oras na iyon Jess.” pilit na inaalala ni Amy ang mga huling pangyayari kahapon, “Sa sobrang tuwa ni Reggie sa nabalitaan ay hindi na siya nakapaghintay at dali-dali na ring umuwi. Hindi niya pinakinggan ang mga banta ko. Kaya noong kumagat na ang dilim, --- habang papalabas siya ng campus ---nasagasaan siya ng truck!”
Hindi alam ni Jess kung bakit bigla na lamang tumindig ang balahibo niya sa buong katawan. Nakaramdam na rin siya ng panginginig ng kalamnan sa mga narinig mula sa bibig ni Amy.
“H-hindi totoo ang mga sinasabi mo!” binabaan na lamang niya ng telepono ang kausap.
Muling nag-ring ang telepono. Ngunit iniwan na lamang iyon ni Jess na nagtungo na sa salas ng kanilang bahay.
Sinagot ni Jane ang telepono na kanina pa ring ng ring. Nagtataka siya kung bakit hindi ito sinasagot ng nakababatang kapatid na si Jess.
“Hello?”
“Hello Jess?” si Amy ang nasa kabilang linya.
“Am---ate ito ni Jess, gusto mo ba siyang makausap?” tanong ni Jane.
“Hindi na --- ikaw ang gusto kong makausap. Malapit nang maubos ang oras. Nasa panganib ang buhay ni Jess!”
“Anong sinabi mo?!” labis na nabigla si Jane sa narinig. Hindi inaasahan ang ganoong bagay na bigla na lang sumambulat sa kanya.
Ikinuwento ni Amy ang buong detalye sa sumpa ng puno ng acacia pati na rin ang mga nangyari sa kaklase nilang si Reggie. Halos hindi makapaniwala si Jane sa mga nalaman. Lito rin siya kung maniniwala ba siya sa sinasabi ng kaklase ng kanyang kapatid.
“Pero maaaring nagkataon lang ang nangyari sa kaklase ninyong si Reggie.” pilit na iwinawaglit ni Jane sa isipan ang katotohanan ukol sa kuwento ng puno ng acacia.
“Ganyan na ganyan din ng mga sinabi ni Jess sa akin noong una. ngunit kung ayaw mong mawala sa buhay ninyo si Jess ---- dapat kang maniwala. magiging huli ang lahat kung hindi ka magtitiwala sa mga sinasabi ko!” pilit ni Amy.
5:00 ng hapon.
Nagmadaling tinungo nina Jane at Amy ang kinatitirikan ng puno ng acacia. Kaunti na lamang ang nalalabing oras bago kumagat ang dilim.
“Anong binabalak mo?!” tanong ni Amy kay Jane na noon ay may hawak na isang bote ng gaas kasama ang isang kahon ng posporo.
“Susunugin ko ang puno! Baka iyon na lang ang natitirang paraan para hindi matupad ang nakatakdang pagkamatay ng kapatid kong si Jess!” bulalas ni Jane kay Amy na noon ay sinimulan ng buhusan ng gaas ang ilang bahagi ng puno.
Ilang sandali pa’y nagsindi na ng isang palitong posporo si Jane. Kaagad na nagningas ang palito.
“Tulungan mo ang kapatid ko!” ani Jane saka inihagis ang palitong nag-aapoy sa punong binuhusan niya ng gaas.
Ngunit ganoon na lang ang pagtataka niya nang hindi nagliyab ang puno sa sandaling nadilaan ito ng apoy ng palito. Sa katunaya’y namatay pa ang sindi ng palito nang sumayad ito sa may bahagi ng puno.
“Jane malapit nang kumagat ang dilim!” napangibabawan ng takot ang buong pagkatao ni Amy, “Bilisan mo!”
“O-oo!” nanginig ang mga kamay ni Jane saka muling nagsindi ng palito. Inihagis niya iyon sa puno.
Ngunit muling namatay ang sindi nito!
Sa gitna ng nagkakasiyahang mga tao sa loob ng bahay ay bigla na lamang nakaramdam ng paninikip ng dibdib si Jess!
“H-hindi akoh ---- makahinga.” ang tanging mga salita na namutawi sa bibig ni Jess.
Mas lalo pang nanikip ang dibdib niya. Naramdaman niyang tila may kung anong bumabara rito dahilan para mahirapan siyang huminga!
Tinutop niya ang kanyang dibdib.
Napatingin siya sa orasan na nakasabit sa dingding.
5:41 ng dapit-hapon.
Kakagat na ang dilim!
“Jess ok ka lang?” napansin na siya ng isa niyang kaklase sa kasalukuyang kalagayan.
Sa sumunod pang mga segundo ay mas lalo pang nahirapang huminga si Jess!
Hindi na nito nakayanan ang sarili! Bigla siyang tumuba kasunod ang pagtirik ng kanyang mga mata!
Napasigaw sa bugnot si Jane!
Naubos na ang laman ng posporo ngunit hindi man lang siya nagtagumpay na pasiklabin ang puno ng acacia!
“Anong sumpa meron ka?!” bulalas ni Jane sa harap ng puno kasunod ng sunod-sunod na pagtadyak dito. Nawawalan na siya ng pag-asa.
“Jane---kakagat na ang dilim!’ ani Amy na nauubusan na rin ng pag-asa sa dibdib.
“Hinde! Hinde ako papayag na mawala ang kapatid ko!” muling humarap si Jane sa puno at saka naisip ang pinakanalalabing paraan!
ANG BULUNGAN ITO NG KAHILINGAN!
“Huwag mong kunin ang buhay ng kapatid ko.” bulong ni Jane sa puno, “Huwag mo siyang kunin.”
Katahimikan.
Iyon lang at isang malakas na hambalos sa ulo ang natamo ni Jane! Napaigtad siya sa lupa habang sinasapo ang ulo na noon ay nagdurugo na mula sa tinamong paghambalos sa kanya.
Nanlaki ang mga mata ni Jane nang malamang si Amy ang may kagagawan ng lahat!
Hawak ng dalawa nitong kamay ang isang malaking bato na ginamit sa paghambalos sa ulo niya!
“A-amy...” nanghihinang sambit ni Jane.
“Matutupad ang kahilingan mo Jane. Pero katulad ng sinabi sa sumpa ---- buhay mo ang magiging kapalit oras na kumagat ang dilim!” isang malakas na pagbuwelo ang ginawa ni Amy bago ibagsak ang bato sa ulo ng nakahandusay na si Jane.
Agad itong nalagutan ng hininga sa harap ng nakangising si Amy...
Ilang buwan na rin ang matuling lumipas simula ng mailibing ang mga labi ni Jane. Sa kabilang banda’y nakaligtas naman sa kamatayan si Jess dahil sa ginawang sakripisyo ng kanyang nakakatandang kapatid.
At hanggang ngayon nga’y patuloy pa rin pinaghahanap ng mga pulis si Amy na siyang itinuturo ni Jess na pumatay sa kanyang kapatid. Ito’y sa kadahilanang malakas ang kutob niyang si Amy lamang ang bukod-tanging makapagdadala sa kanyang ate sa lugar kung saan ito pinaslang. Nais niyang mabigyan ng katarungan ang kapatid.
Sa kabilang banda, hindi pa rin ubos maisip ni Jess kung paano siya nakaligtas sa kamatayan kung babalikan ang gabing iyon. nananatiling misteryo sa kanya ang lahat...maging ang biglaang pagkalaho ni Amy.
Nang araw na iyon, naisipang magpunta ni Jess sa bodega ng kanilang bahay upang hanapin ang isang bagay na matagal na niyang hinahanap. Hindi sinasadyang nahalungkat niya ang isang lumang-lumang diyaryo kung saan labis siyang nagulat nang makita ang larawan ng isang babae sa harapan nito.
“Si Amy ito ah!” siguradong-sigurado si Jess at walang dudang hindi siya nagkakamali sa nakikita.
Binasa ni Jess ang nilalaman ng balita.
At nanlaki ang mga mata niya ng malamang ang babaeng nasa larawan ay si Amy nga na nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa isang puno ng acacia dalawampung taon na ang nakakaraan!
Isang mental disorder ang tinuturong dahilan kung bakit daw nagawa ng babae ang pagpapakamatay.
“Si Amy ----- matagal na pala siyang patay!” sa sobrang panginginig ng dalawang kamay ni Jess ay nabitiwan niya ang diyaryong hawak-hawak.
Bumagsak ang diyaryo sa sahig at hinangin ang ilang pahina dahilan upang ito’y bumuklat.
Nagimbal si Jess nang makitang may mga dahon ng acacia na nakaipit sa bumuklat na pahina ng diyaryo!
WAKAS