By Jeffrey Ballares
(Anecdote)
Maagang-maaga ang dating ko sa opisina noong umagang iyon. Marami akong dapat tapusing office works para sa araw na ito. Follow-up sa emails, mga paperworks na palaging naghe-hello pagsalubong ko sa area ko, at idagdag mo pa ang walang puknat na calls na dapat kong mabigyan ng sagot ora mismo.
Pagpasok ko pa lang ng opisina, ay dali-dali na akong humarap sa computer at binuksan ang CPU tanda na ready na akong simulan ang isa na namang maghapon na trabaho. Tulad nga ng nasa isip ko kanina, naghe-hello na naman sa table ko ang mga paperworks na kailangan ko nang kitlin ang buhay para mawala na sa paningin ko.
Isa-isa kong chineck ang mga pending kong trabaho.
“Naku, may for approval pa pala ako!” napailing ako nang makita ang hawak-hawak na papel. Tumayo ako at pumunta sa cubicle ng mag-a-approve ng hawak kong papel. Sa cubicle ng dati kong boss.
Noon lang at nahinto ako sa napagtanto.
Ang mag-a-approve ng papel na hawak ko...resigned na pala.
Sandali akong natulos na parang kandila sa aking kinatatayuan.
Pinagmasdan ko ang cubicle na yaon. Malinis na ang table at wala na ang dating mga nakatambak na for approvals ni boss mula sa iba’t ibang empleyado ng iba’t-ibang departments. Wala na ang black tray na lalagyan ng mga naghe-hello niyang paperworks and confirmation letters. Wala na rin ang paboritong payong ni boss na palaging nakaukyabit sa swivel chair niya.
At higit sa lahat, wala na ang taong nananahan sa cubicle na iyon.
Si boss.
Sa sandaling iyon, biglang nag-flashback sa akin yung first interview sa akin ni boss bago ako natanggap sa company na iyon:
“From where are you?” tanong sa akin ni boss.
English speaking si boss. Dapat kong sabayan.
“Ah Sir, I’m from Novaliches, Quezon City.”sagot ko, medyo nginig kasi kabado, mukhang terror iyong kaharap ko eh.
“Ok. Tell me about yourself and the reason why you choose to apply for this job.”pasumandaling inayos ni boss ang kanyang salamin habang direktang nakatingin sa akin.
Sumagot naman ako kaagad at nagsimulang sagutin ang iba pang tanong ni boss. Tahimik lang siya at patango-tango sa pakikinig. Sa isip-isip ko: “Napakaseryoso naman ng boss na kaharap ko. Satisfied ba siya sa mga sinasabi ko? Parang hindi naman. Wala kasi sa reaksyon ng mukha niya. Hmp! Hindi ata ako tatanggapin nito.”
Pero mali ang akala ko, sa aming apat na nag-apply sa posisyong iyon. Ako pala ang napusuan niyang tanggapin. Ano ba yun? Napaka-unpredictable ng pangyayari. Wala sa mukhang iyon ni boss na ipapasa niya ako sa interview.
I guess ganoon naman ata talaga siya, magaling umarte. Kaya siguro tinutukso siya na kamukha ang isang artistang lalaki!
Sumagi din sa isip ko iyong last meeting ko sa kanya as my direct boss. Maliwanag na maliwanag pa sa akin ang mga katagang binitawan niya sa akin noong araw na iyon:
“Ikaw ang napili ko na ilipat sa kabilang unit. This is not a promotion. This is just a lateral transfer. Good luck sayo ha. Galingan mo ha.”ani boss.
Ewan ko ba pero masaya na malungkot ako noong oras na iyon. Masaya kasi bagong challenge iyong magiging work ko. Malungkot kasi, hindi na siya yung direct boss ko.
Simula noong lumipat ako, hindi na naging madalas yung naging interaction ko sa kanya. Bigla kong na-miss yung kapag nagpa-pasign ako sa kanya ng confirmation letters na may kasamang tseke for release. Hindi ko na madalas makita yung sulat-kamay niya kapag may corrections sa mga outputs na ginagawa ko.
Ka-miss din pala.
At ngayon ngang resigned na siya sa kumpanya, mami-miss ko lalo yung times na kapag nakakasabay ko siya sa washroom saka kakamustahin niya ako sa mga katagang:
“Kumusta ka sa bagong unit mo? Ok ka lang ba? Galingan mo ha.”
“Ok lang naman po ako Sir. Marami po akong natututunan.”sagot ko naman.
May isa pa akong napuna sa kanya minsan nung magtu-toothbrush siya.
“Sir, bakit po hindi na kayo nagmumumog bago magtooth-brush?”taka ako.
“Iyon kasi iyong advise ng dentista sa akin. Mas maganda raw iyon.”sagot naman ni boss.
“Aahh.”sabi ko naman.
Pati yung huling gabi ng despedida niya. Lumapit ako sa kanya at sinabihan ng good luck. Pigil akong maglabas ng emosyon noong oras na iyon. Pero hinding-hindi ko makakalimutan yung huling bilin niya sa akin habang magkaakbay kami...
“Galingan mo ha.”
Ang mga katagang iyon, all this time iyon na lang palagi ang sinasabi niya sa akin, ngayon lang nag-sink-in sa akin.
Dahan-dahan akong pumihit pabalik sa area ko. Wala na nga pala si boss.
Pero nakatatak na sa isipan ko ang huling bilin niya sa akin. And that’s a promise.
P.S.
We’ll miss you Sir Chris! Galingan mo ha! =)