Sunday, August 28, 2011

MAKULAY ANG QUIAPO

Ni Jeffrey R. Ballares

(Feature)

Isang salita ang maibabansag ko sa Quiapo.

Makulay.

Oo, makulay ang Quiapo. Kung hindi mo naitatanong, matagal ko nang matalik na kaibigan ang lugar na ito. Ang lugar na ito...na ipinakilala pa sa akin ng pinsan kong matagal na ring naninirahan sa ibang bansa.

Mabalik ako, alam mo ba kung bakit Quiapo ang napagdiskitahan kong gawan ng kwento ngayong araw na ito?

Eh kasi, nagtatampo na raw siya sa akin. Matagal na raw kasi akong humahabi ng kung anu-anong kwento pero ni hindi ko man lang daw siya maisipang gawan ng isang katha ukol sa kanya.

Kaya heto, nakaumang na ang mga daliri ko sa pagtipa ng keyboard para ilarawan siya sa abot ng aking makakaya.

*****

PAGSASALARAWAN – UNA

Linggo, alas 9:00 ng umaga. LRT Carriedo Station.

Eeskapo ang aking mga paa mula sa loob ng tren. Dala-dala nito ang aking katawan patungo sa simbahan ng Poong Nazareno na nasa pusod ng Quiapo.

Lahat ng aking mga kasabayang tao ay nagsasalimbayan ng agos. Lingid sa kaalaman kung saan ang daan patungo. Tila mga langgam na may kanya-kanyang sandatahan patungo sa kani-kanilang kolonya.

PAGSASALARAWAN – IKALAWA

Nagsimula akong sumabay sa agos ng tao sa gitna ng kalyeng puno ng kung anu-ano. Sa aking paglalakad, iba’t-ibang senaryo ang pumupukaw sa aking diwa.

Nariyan ang manong na nagwawasiwas ng mumurahing damit pambata sa bawat taong dumaraan. Mababanaag ang sigla sa boses niya habang inilalako ang sando at shorts. Sa pagwagayway niya ng damit ay masisilayan mo ang pag-asa niyang makakarami siya ng benta sa araw na iyon.

Nagpatuloy pa ako sa pag-usad sa gitna ng mga nag-uunahang tao. Sa tabi ng kalye, naroon si manang na nagtitinda ng mga prutas na nakahilera sa kanyang munting kariton. Mayroon siyang dalandan, mangga, ubas at papaya. Napakalamig sa mga mata ng mga inilalako niyang prutas.

Hahakbang sana ako para magpatuloy sa paglalakad ng biglang sumambulat sa aking harapan ang mga batang kalyeng naghahabulan! Walang pakialam ang mga ito kahit pa walang suot na tsinelas ang mga paa. Sige-sige lang sa pagtakbo habang pumapangibabaw sa kanilang mga bibig ang walang humpay na halakhakan.

Sa isang sulok ng kalsada nakita ko naman ang isang paslit na nag-iihip ng mga bula. Ang mga bulang iyon ay inihele ng hangin at nagtungo sa aking direksiyon. May bumangga sa aking katawan at tuluyang pumutok, ang ilan naman ay pinutok ng aking mga daliri. May ilang bula rin na nakawala at pumainlalang sa kaitaasan. Ito ang panghalina ng batang paslit para bilhin ang kanyang inilalakong mga botelya na naglalaman ng likidong bumubula kapag hinipan.

Lakad pa.

Sa paglinga-linga ko sa magkabilang daan ay kapansin-pansin rin ang mga gusaling niluma na ng mga taon. Laman ng mga gusaling ito ang mga nagtitinda ng appliances, naglalakihang tela, makikinang na alahas at aksesorya, iba’t-ibang klaseng bag, mabebentang fast food chains at kung anu-ano pa.

At bago ako pumasok sa simbahan, nariyan bubungad ang mga naglalako ng simbolismo’t imahe ng Poong Nazareno. Mayroong panyo, kuwintas at mga santong yari sa kahoy. Naroon din sa gitna ng mainit na sikat ng araw ang mga namamalimos na kapuspalad.

PAGSASALARAWAN – IKATLO

Sabay-sabay na aawit ng papuri ang mga tao sa loob ng simbahan habang naglalakad patungo sa pedestal ang pari na nakasuot ng nakabibighaning abito. Sa likuran niya makikita ang walang katulad na altar ng Mahal na Poong Hesus Nazareno. Naiilawan ito ng kulay pula, asul at dilaw upang lalong tumingkad ang kaanyuan sa harap ng mga deboto.

Matapos ang pagbabahagi ng salita ng Diyos at sermon ng pari ay sabay-sabay namang magsasalo ang mga tao sa katawan ni Kristo. Sa saliw ng musika ay isa-isang tumatanggap ng ostiya ang mga ito na susundan ng taimtim at taus-puso nilang panalangin.

Sa pagtatapos, hindi makukumpleto ang misa sa pagbabasbas ng agua bendita bilang bendisyon sa mga deboto. Kasabay ng bendisyon ang pag-awit ng mga tao sa himig ng “Nuestro Padre Hesus Nazareno...”. Matatapos ang misa sa isang masigabong palakpakan na kumakatawan sa pagpupugay sa Kanya.

Lahat ng senaryong ito...ay naglalarawan sa walang katulad na mukha ng Quiapo.

*****

O hayan, sana naman napagbigyan ko ang kahilingan ng aking matalik na kaibigan. Hanggang sa muli naming pagkikita!

Photo credits: http://traveleronfoot.files.wordpress.com/2008/06/carriedo-street.jpg

No comments:

Post a Comment