Ni Jeffrey R. Ballares
(Mystery)
Late na rin kung umuwi ng bahay si Elisa. Palagi na lang hapo ang katawan niya mula sa trabaho kaya naman pagdating niya sa tahanan, matapos kumain at maligo, diretso kaagad siya sa pagtulog at pagpapahinga.
“Mama, may parents meeting nga pala next week. Kailangan po ninyong pumunta ni Papa dahil pag-uusapan doon yung tungkol sa graduation namin.” sambit ng anak na batang babae ni Elisa, si Ella.
Binuksan ni Elisa ang refrigerator at kinuha ang pitsel na may lamang tubig.
“Hindi ba pwedeng si Papa mo na lang ang papuntahin mo sa meeting na iyan anak?” aniya saka nagsalin ng tubig sa isang baso. Uminom.
“Pero ‘Ma, kailangan pong dalawa kayo ni Papa ang nandoon.” sumimangot si Ella, nagpakita ng lungkot.
“Ella, busy ako sa trabaho. Si Papa mo na lang ang papuntahin mo.”
“Pero Mama...”
“Ella puwede ba?!” napuno na siya, “Pagod ako galing ng trabaho---huwag mong sabayan ng pangungulit mo!” bulyaw niya sa anak saka tuloy-tuloy na umakyat patungo sa kanyang kwarto.
“Oh! Bakit hindi na naman maipinta iyang mukha mo?” tanong ng asawa niyang si Nilo ng pumasok siya sa kwarto.
Umupo sa kama si Elisa kung saan naroon ang asawa.
“Yung anak mo kasi eh, pinipilit akong pumunta sa meeting. Hindi ba pwedeng ikaw na lang?” reklamo niya.
“Hon, isang araw lang naman ang meeting na iyan eh. Pagbigyan mo na ang hiling ng anak mo.” marahang paliwanag ni Nilo na itinabi ang binabasang diyaryo kanina.
“Nilo, alam mo namang hindi ko pwedeng iwan ang trabaho ko. Maraming masasayang na oras kapag ginawa ko iyon.” depensa naman niya sa asawa.
“Elisa, give yourself a break. Puro ka na lang trabaho, bigyan mo naman ng oras ang anak mo.”
Tumayo ng kama si Elisa.
“Walang patutunguhan ang usapan na ito.” aniya saka tuloy-tuloy sa bathroom upang maligo.
Nadatnan na lang ni Elisa na natutulog ang asawa pagkatapos niyang maligo.
Napag-isip-isip niya na may punto ang mga sinabi nito kanina. Totoong hindi niya nabibigyan ng hustong oras ang kanyang pamilya dahil sa pagiging abala niya sa trabaho. Pero kaya naman niya ginagawa iyon ay para na rin sa sa anak at asawa niya. Gusto niya ng maayos na pamumuhay.
Humarap siya sa salaming nakasabit sa pader at tinanggal ang towel na nakabalot sa buhok. Sinimulan niyang mag-ayos.
Habang nag-aayos siya ay may kung ano siyang napansin sa salamin...isang maliit na lamat.
“Kailan pa nagkaroon ng lamat ‘tong salamin na ito?” bulong niya sa sarili saka sinalat sa pamamagitan ng daliri.
Iyon lang at...
“Aray!” nasugatan ang daliri niya sa pagsapo ng lamat. Kaagad itong nagdugo. Kumuha siya ng bulak at alkohol saka ginamot ang daliri. Pinunasan din niya ng bulak ang dugong naiwan sa may bahagi ng salamin na may lamat.
Kinabukasan, hindi magkandaugaga si Elisa sa paghahanap ng isang bagay. Halos nahalughog na niya ang buong kwarto ngunit hindi pa rin niya natatagpuan ang hinahanap.
“Ano bang hinahanap mo Hon?” tanong ng asawa niya na nagbibihis na rin sa mga oras na iyon papasok sa trabaho.
“Hon iyung necklace ko, kanina ko pa hinahanap pero wala talaga.” nakakunot ang noo niya sa sobrang pagkayamot.
“Saan mo ba inilagay?”
“Dito lang naman yun nakalagay sa jewelry box ko eh.”
“Hindi kaya na-misplaced mo lang kung saan?”
“Sigurado akong dito ko huling inilagay iyon. And besides, may iba pa ba akong pwedeng paglagyan?” paliwanag niya sa asawa.
Pagkatapos magbihis ni Nilo ay tinulungan na rin niya sa paghahanap ang asawa. Hinalungkat na nila ang mga drawers ng cabinet ngunit hindi talaga nila makita ang hinahanap.
“Mabuti pa mamaya na lang natin uli hanapin iyon Elisa. Male-late na tayo sa trabaho eh, ihahatid ko pa si Ella sa eskwelahan.” si Nilo.
Bumuntong-hininga si Elisa.
“Ok.” aniya saka pumanaog na patungong kotse.
Ganoon na lang ang pagtataka ni Elisa ng mga sumunod na araw. Isa-isang nawawala ang mga personal niyang kagamitan...mga bagay na mahalagang-mahalaga sa kanya.
Nawala ang paborito niyang libro na ang author ay si Marilyn Kaye. Ganoon din ang paborito niyang damit na iniregalo sa kanya ng asawa tatlong taon na ang nakakaraan. Naglaho ring parang bula ang antigong vase na ipinamana pa sa kanya ng kanyang yumaong ina. At marami pang iba.
“Sigurado ba kayong walang ibang pumapasok sa pamamahay na ito? Ikaw Ella, baka nagpapapasok ka ng kung sino-sino rito sa bahay!” mataas na ang tono niya na para bang sasabog na sa matinding galit.
“Hindi po Mama...” nakayukong sagot ng batang si Ella.
“Eh bakit nawawala ang mga gamit ko?!” hindi mawari ni Elisa ang mga nangyayari, “Hindi kaya pinapasok na tayo ng magnanakaw?”
“Hon, kung pinapasok man tayo ng magnanakaw eh di sana ninakaw na rin nila ang ibang mga kagamitan dito sa bahay lalo na yung mga mahal. At saka meron bang magnanakaw na paisa-isa kung tumirada?” bigay-rason ni Nilo.
Sinapo ni Elisa ang noo. Hindi niya maipaliwanag ang mga nagaganap, maging ang mga kapamilya niya ay litong-lito. Walang sinuman sa kanila ang may alam kung ano ba talaga ang nangyayari.
Gabing-gabi na naman siyang umuwi noong araw na iyon galing sa trabaho. Kagaya ng dati, hapong-hapo na naman ang katawan niya.
Dumiretso ng salas si Elisa at nagtaka ng makitang wala roon si Ella. Sa ganitong oras kasi pinapanood nito ang paboritong palabas sa telebisyon. Sa katunayan, hindi pumapayag ang anak niya na hindi mapanuod ang kahit isang episode nito.
Gayunpaman, hindi na lang niya pinansin ang bagay na iyon. Baka nakatulog lang kasi ng maaga ang anak kaya siguro nagkaganoon. Tuloy-tuloy siyang pumanhik patungo sa kwarto para magbihis.
Pagbukas niya ng pinto ng kwarto ay nalaman din niyang wala roon ang asawang si Nilo.
Inilapag niya ang bag sa kama at nagpunta sa cabinet para kumuha ng damit na pamalit.
Gayon na lamang ang gulat niya ng pagbukas ng cabinet ay wala roon ang kanyang mga damit!!!
“Nilo?! Nilo?!” tawag niya sa asawa.
Walang sumagot.
“Nilo?!” lumabas na siya ng kwarto at dumiretso sa kwarto ni Ella. Pinasok niya iyon.
Nagulat siya nang matagpuang walang tao sa kwarto ng anak.
“Nilo? Ella? Pinagtataguan niyo ba ako?!” mabilis nag-init ang ulo niya, “Hindi ‘to oras ng pakikipagbiruan! Nasaan na kayo?”
Walang sumagot.
“Hindi na ako natutuwa sa inyo!” bulalas niya saka tuluyang lumabas ng kwarto ng anak.
Pagkasarado niya ng pinto ay biglang nagkukurap ang ilaw sa pasilyo. Nakailang beses hanggang sa tuluyang mamatay.
Nawalan ng kuryente.
Katahimikan.
Ilang segundo lang ang lumipas at muling nagkaroon ng ilaw.
At halos panawan ng ulirat si Elisa sa kanyang nakita sa may dulo ng pasilyo!
Kitang-kita ng nanlalaki niyang mga mata ang isang babae na nakatayo sa dulo ng pasilyo...nakatitig sa kanya!
At ang babae...KAMUKHANG-KAMUKHA niya!
Suot-suot nito ang nawawala niyang paboritong damit. Pati ang necklace ay nakasabit rin sa leeg nito. Tangan din ng kanang kamay nito ang paborito niyang libro!
“S-sino ka?!” lakas-loob na tanong ni Elisa.
Ngunit biglang pumasok sa loob ng kwarto nilang mag-asawa ang kamukha niyang babae.
Kaagad naman niya itong hinabol at nagimbal sa mga sumunod na pangyayari!
Kitang-kita niya na tumatagos ang babaeng kamukha niya papasok sa salaming nakasabit sa pader ng kwarto!
Nang ganap nang makapasok sa loob ng salamin ang babae ay tuluyan na ring pumasok sa loob ng kwarto si Elisa at humarap sa salamin.
Mas lalo siyang nahambal sa nakita sa salamin!
Nasa loob ng salamin ang kanyang mag-ama...sina Nilo at Ella!
Kasama ang babaeng kamukha niya!
Nagyayakapan ang mga ito!
Tumakbo papalapit sa harap ng salamin si Elisa at kinatok ito ng sunod-sunod.
“Nilo! Ella!”sigaw niya.
Ngunit hindi siya naririnig ng mga ito.
Makailang ulit pa niyang kinalampag ang salamin kasabay ng sunod-sunod na pagtawag sa pangalan ng asawa’t anak.
“I’m sorry....bumalik na kayo sa akin.” ngayon napagtanto ni Elisa ang malaking pagkukulang kina Nilo at Ella. Humagulgol siya sa pagluha.
Ngunit sadyang huli na ang lahat.
Wala na ang kanyang asawa’t anak.
Noon lang niya muling napansin ang lamat sa salamin.
Ang bahaging iyon.
WAKAS