Jeffrey R. Ballares
(Feature)
Sinimulan ko ang umagang paglalakbay sa pamamagitan ng pagsakay sa FX noong araw na iyon. Malamang magpapambuno na naman ako sa oras para hindi ma-late sa pagpasok sa trabaho. Mabuti na lang at kahit paano, mahaba ang biyahe at mabubusog ang mga mata ko sa mga tanawin na sasalubong sa mga nanlalamlam ko pang mga mata.
Pag-upo na pag-upo ko sa loob ng sasakyan ay pumuwesto na kaagad ako sa tabi ng bintana ng FX. Pinakapaborito ko ang pwestong ito sapagkat napapawi ang antok ko kapag nakakakita ng mga di-pangkaraniwang bagay na nagbibigay-kulay sa pangkaraniwan kong umaga.
Umusad ang pampasaherong sasakyan at bumira ng pagbiyahe. Sumilip ako sa bintana at sinimulang pagmasdan ang mga bagay-bagay.
Nakita ko sa daan ang isang puting kuting na halos nasisipa na ng mga tao sa tabi ng kalye. Wala man lang pakialam ang mga tao kahit na madunggol nila ang kuting. Nagulat pa nga ako nang malamang paika-ika na ito sa paglalakad gamit ang apat niyang paa. Napakagat na lang ako sa labi at naawa sa kuting.
Huminto ang sasakyan at pumick-up ng isang babaeng pasahero, pamilyar na sa akin ang pasaherong sumakay na ito na halos palagi kong nakakasabay sa biyahe. Kahit hindi kami magkakilala ay nginitian niya ako at sinuklian ko rin naman ng isang matipid ring ngiti bilang paggalang.
Nagpatuloy sa pagbiyahe ang FX. Maya-maya ay huminto dala ng stop light. Kumatok sa babasaging bintana ang isang batang babae na nagtitinda ng sampaguita. Katulad ng mga bulaklak ng sampaguita ay nakatirintas rin ang mahabang buhok ng batang babae na nagmamakaawa na bilhin ang kanyang itinitinda. Isa, dalawa, tatlong katok, sa wakas ay nahabag ang driver at binili ang tatlong kuwintas ng sampaguita. Nagpasalamat ang batang babae at kapagkuwa’y isinabit ng driver ang mabangong bulaklak sa munting imahe ng Birheng Maria sa may tabi ng salamin. Nag-green light, dali-daling umeskapo ang batang babae sa gitna ng kalsada upang hindi mabangga ng mga tatakbong sasakyan.
Ilang minuto pa ang lumipas at nakarating na rin ako sa MRT station para simulan ang isa na namang biyahe. Parang gustong sumakit ng ulo ko sa nadatnang kahabaan ng pila. Nagsisiksikan at naggigitgitan ang mga tao makauna lang sa pagpunta sa tren. Karamihan ay papasok sa opisina at hindi maipinta ang mga mukha dahil nga naman hindi maganda sa pakiramdam ang masuwag, matulak, at mabangga kahit pa nakapila papunta sa destinasyon...ang sasakyang tren.
Hindi naman ako nahirapang sumakay ng tren, karaniwan na sa akin ang maitulak habang nakikipag-unahang makapasok sa loob. Karaniwan na ang matanggalan ng sapatos kapag malas na naapakan ng kasabayan mo ring pasahero. Higit sa lahat, karaniwan na ang mga nagbabangayang pasahero matapos na makapasok sa tren sa kadahilanang grabe daw manuwag ang mga nasa likuran nila. Nandiyan pa ang mga nagmumurahan sa sobrang galit. Napapailing na lang nga ako sa mga senaryong ito.
Pagbaba ko sa tren ay tinahak ko naman ang daan papuntang opisina. Gustuhin ko mang sumakay uli ng sasakyan papunta sa opisina ay hindi na lang siguro. Panigurado kasi, mas lalo akong male-late dahil ma-traffic na ang mga kalye pag rush-hour. Iniisip ko na lang, sa paglalakad makaka-exercise pa ako sa umaga.
Humakbang ang aking mga paa tanda ng simula ng paang-paglalakbay. Sa paglalakad, hindi ko napigilang mapatingin sa isang pulubing nakasalampak sa tabi ng kalsada. Nanlilimahid na ang hitsura nito mula ulo hanggang paa. Nanggigitata sa grasa, putik at alikabok na kumakapit sa gula-gulanit niyang suot. Naisip ko, damit pa bang maituturing ang isang kasuotan kapag hindi na ito disenteng tignan sa mga mata ng tao? Inayos pa ng pulubi ang dala-dala niyang sako na sa tingin ko’y puro plastik at lumang lata ang laman dahil sa kalampag na naririnig ko mula sa loob nito.
Naglabas ako ng barya at iniabot sa nanlilimos niyang palad. Isang matamis na ngiti ang iginanti niya sa akin sa oras na masalop ng palad niya ang mga nagkikislapang baryang kumalansing ng magtama ang mga ito. Ngumiti rin ako para sa kanya.
Ilang sandali pa at nakarating na nga ako ng opisina. Kaharap uli ang computer upang simulan ang maghapong trabaho. Napagtanto ko na naman noong araw na iyon ang mga di-pangkaraniwang bagay na nagbibigay-kulay sa pangkaraniwan kong umaga.
No comments:
Post a Comment