By Jeffrey R. Ballares
(Feature)
Makulimlim ang araw na iyon. Tinatakpan ng makakapal at nangungutim na ulap ang disinsana’y maliwanag na araw. Sumasabay rin ang malamig na simoy ng hangin sa kalungkutan ng kapaligiran.
Sa tabi ng kalsada naroon ang isang batang paslit na tila kanina pa may hinihintay. Suot ang gusgusing damit na gula-gulanit, nanlilimahid na rin pati ang balat ng bata sa sobrang dungis. Hawak-hawak niya ang isang munting basahan na kinukulapulan na rin ng karumihan ng buong maghapong alikabok mula sa usok at dumi.
Broooooooommmmmmm! Broooooooooooooom!
Agad na tumalon mula sa gutter ng kalye ang batang lalaki at nagmadaling tumakbo. Nakita na niya ang pakay. Tila isang kidlat na bumulusok ang bata papunta sa gustong patunguhan.
Sa isang jeep.
Dinaklot ng kanan niyang kamay ang hawakan sa may entrada ng sasakyang pampasahero. Sisimulan na niya ng ritwal na makalibo rin niyang ginagawa sa bawat araw.
Ang ritwal na bumubuhay sa naghihingalo niyang araw.
Buong hiya siyang pumasok sa loob ng jeep at lumuhod sa harap ng mga pasahero. Muli na naman niyang kaharap ang maruming sahig ng sasakyan. Gamit ang bilog na basahan, inisa-isa niyang pinunasan ang kasuotang pampaa ng mga pasahero, mapa-sapatos man ito, sandalyas o tsinelas.
Unti-unti siyang umusad mula sa labasan ng sasakyan hanggang makapasok sa unahan nito. Napagtagumpayan niyang kahit papaano ay maalis ang dumi sa pambabang kasuotan ng mga niluhurang tao.
Kapagkuwa’y tumayo naman siya at itinihaya ng isang palad. Hindi man mamutawi sa kanyang labi ang salitang nais sabihin, alam na ng mga kaharap ang kanyang gustong ipahiwatig. Bakas na sa mukha niya ang pagod at gutom...kailangan na niya ng limos.
May ilang nag-abot ng kumakalansing na barya. May ilang hindi naman siya pinansin. Sa sampung pasahero, tatlong tao lamang ang nangahas magbigay ng abuloy.
Bababa na sana ang gusgusing paslit sa sasakyan ng biglang nag-alburuto ang kalangitan kasunod ng pagbagsak ng nag-uunahang ulang tikatik na gustong halikan ang uhaw na uhaw na lupa. Minabuti na lamang niyang umupo sa may entrada ng jeep at doon maghintay ng pagtila ng ulan bago siya bumaba.
Ngayon ay hawak niya ang mga nakalap na barya. Apat na piso. Pinagmasdan niya iyon kasunod ng pagngiti ng mga labi.