By Jeffrey R. Ballares
(Mystery)
Lumapag ang mga paa ng tatlong magkakabarkadang Tom (edad 28), Macky (edad 27) at Sean (edad 26) sa harapan ng isang lumang bahay-bakasyunan sa malamig na lungsod ng Baguio. Mahalumigmig pa ang paligid ng mga oras na iyon. Nanunuot pa ang ginaw maging sa loob ng katawan nila.
“Sa wakas! Andito na rin tayo, ang tagal rin ng biyahe natin ah!” bulalas ni Sean saka ibinaba sa lupa ang mga dala-dalang bagahe.
“Tara mga ‘tol, pasok na tayo sa loob! Gusto ko nang magpahinga muna eh. Kanina pa nangalay puwet ko sa kakaupo!” sinapo pa ni Macky ang bandang likuran niya senyales ng matagal na pangangalay.
“Tara! Nagugutom na rin ako eh. I-enjoy natin ang 5 days vacation natin dito!” dagdag naman ni Tom saka nagnuestra patungong tarangkahan ng bahay-bakasyunan.
Ngunit bago pa lamang kakatok ang tatlo sa malaking tarangkahan ay may isang matandang lalaking gusgusin na wala sa katinuan ang humarang sa kanila.
“Kahit anong mangyari! Huwag kayong matutulog! Huwag! Huwag!” bulyaw sa kanila ng matanda saka mabilis na tumalilis palayo sa kanila.
Nagkatinginan ang tatlo. Nagkibit-balikat na lamang sa nasaksihan.
Isang matandang babae ang sumalubong sa tatlong lalaking bakasyonista.
“Mabuti naman at nakarating kayo ng maaga. Halikayo mga iho at naghanda ako ng almusal sa kusina.” alok ni Aling Mona (edad 45).
“Ay salamat po, kanina pa nga po kami gutom na gutom eh.” mabilis namang sagot ni Tom habang hinihimas ang tiyan.
Sabay-sabay na pumasok ang lahat sa loob ng bahay na iyon.
Ang bahay na iyon.
6:00 ng gabi.
Pagkagaling sa maghapong pamamasyal ay nagkasundo na ring magsitulog ng magkakaibigan dala na rin ng hapong-hapo nilang katawan.
“Bukas na lang tayo magtagayan mga ‘tol ah. Logtu muna.” si Macky na nagtuloy-tuloy na sa kanyang kuwarto upang matulog.
“Ok no prob.”sagot ng dalawa na nagtungo na rin sakani-kanilang mga kwarto.
11:00 ng gabi.
Nakaramdam ng pagkaihi si Sean. Pupungas-pungas siyang bumangon at lumabas ng kanyang kwarto upang pumanaog at gumamit ng banyo. Habang naglalakad sa pasilyo ay napansin niyang nakabukas ang pinto ng kwarto ni Macky. Minabuti niyang tunguhin iyon at isarado ito.
Ganoon na lamang ang panlalaki ng dalawa niyang mata nang makita ang hitsura ng kaibigan habang nakahiga ito sa kama at natutulog!
Si Macky...walang ulo!
Nanginig ang buong katawan ni Sean sa nakita. Mabilis na gumapang sa likuran niya ang pangingilabot ng kanyang mga balahibo.
Sa kabila ng malamig na klima ay bigla na lamang siyang pinagpawisan sa kinatatayuan!
Isinara niya ang pinto at sinandalan ito. Hindi pa rin siya makapaniwala.
“Baka namamalikmata lang ako!”aniya sa isipan. Kasunod ay muli niyang binuksan ang pinto at silipin ang kaibigan.
Si Macky...may ulo na.
Gimbal ang lahat ng umagang iyon sa nadatnan!
Si Macky, nakahandusay sa pinakababang pasimano ng hagdanan! Bali ang leeg. Wala ng buhay. Umaagos ang dugo sa sahig mula sa ulong pinagmumulan nito.
“Malamang na naglakad siya habang nananaginip. At nahulog mula sa pinakataas ng hagdanan.” mangiyak-ngiyak ring sambit ni Aling Mona.
Hindi na rin napigilan nina Sean at Tom na maiyak mula sa kinatatayuan nila.
Maya-maya pa’y sinubukang i-dial ni Tom ang numero ng magulang ni Macky.
Walang signal.
Buong umaga nang humahanap ng signal sa buong kabahayan ang magkaibigan ngunit wala pa rin silang matagpuan. Sinubukan na rin nilang lumabas ng bakuran ngunit wala rin silang napala.
“’Tol paano natin mababalita sa mga magulang ni Macky yung nangyari sa kanya?” balisa si Sean sa kalagayan.
Napailing si Tom. “Mukhang walang dito eh. Tara subukan natin sa ibang lugar baka sakaling may masagap na signal dun.”
Lumabas ang dalawa sa bakuran at nagtungo sa ibang lugar para maghanap ng signal.
Pinagmamasdan lamang sila ni Aling Mona mula sa di kalayuan.
Tanghali.
Bigong bumalik sa kabahayan ang dalawang magkaibigan. Kahit na naglibot na sa buong bisinidad ang magkaibigan ay wala talagang makuhang signal. Liblib rin kasing lugar ng Baguio ang napuntahan nila.
“Mabuti pa, bumaba na lang tayo ng bayan. Kuhanin ko lang ang wallet ko sa taas.”ani Tom saka pumanhik sa taas. Sumunod rin sa kanya si Sean upang kunin ang kaniya ring wallet.
Ngunit pawang nagulumihanan ang dalawa nang mapagtantong wala ang mga wallet nila sa kanilang mga bag.
“Nawawala rin ang wallet mo?”ani Sean sa kaibigan. Namimilog ang mga mata sa pagtataka.
“Oo eh...ninakawan ba tayo dito?”tumingin sa buong paligid si Tom.
Pumanaog muli ang dalawa upang hanapin si Aling Mona ngunit hindi nila ito matagpuan.
“Nasaan kaya siya?”si Sean.
Nagkatinginan lang ang magkaibigan.
Kumagat na ng dilim nang dumating si Aling Mona.
“Aling Mona! Mabuti naman po at dumating na kayo. San po kayo nanggaling?”salubong ni Sean sa matanda.
“Sa punerarya ako nanggaling mga iho. Inembalsamo na kasi ang katawan ng kaibigan ninyo.”ani Aling Mona. “Kamusta kayo dito? Pasensiya na kayo at hindi ko nasabi kaagad, wala talagang signal dito sa lugar namin.”
“Iyon nga ho eh. Naghanap rin po kami kanina ng signal pero wala po talaga. Bababa na nga lang ho sana kami sa bayan pero mukhang nawawala po yung mga wallet namin.” balita ni Tom.
“Ano?! Nawawala ang mga wallet ninyo? Imposible..walang pwedeng makapasok na ibang tao dito sa pamamahay ko.”anang matanda.
“Ganun na nga po. Pero kailangan na kailangan na rin ho kasi naming maibalita sa parents ni Macky yung nangyari sa anak nila kaya kung pwede ho sana, manghihiram na lang po muna kami ng pamasahe sa inyo para makababa ho kami ng bayan kung saan may signal.”paliwanag naman ni Sean.
“O siya sige. Pahihiramin ko kayo. Pero pwede bang ipagpabukas niyo na muna iyan. Masyado nang gabi at delikado na ang daan. Alam niyo naman ang lungsod na ito, maraming kababalaghan lalo na kapag sumasapit ang dilim.” si Aling Mona.
Nagpasalamat at sumang-ayon naman ang dalawa sa matanda.
Matapos makapaghapunan ay nagtungo na ng kanyang kwarto si Sean para matulog.
Hinawi niya ang kobre kama at humiga sa katre.
Maya-maya ay may naramdaman siya.
“Teka, parang hindi ito ang unan ko ah. Bakit parang tumigas?”ani Sean na kinapa pa ang unan. Gayunpaman, hindi na lang niya inalintana iyon dahil antok na antok na rin siya sa mga oras na iyon.
Ilang sandali pa ay nakatulog na nga rin siya.
Kanina pa papaling-paling sa higaan si Tom. Hindi talaga siya makatulog. Balisa siya sa nangyari kay Macky.
Ilang minuto pa ang lumipas, hindi siya nakatiis at bigla na rin siyang bumangon at nagtungo sa kwarto ni Sean upang silipin ito kung gising pa.
Gulantang siya sa nadatnan!
Si Sean...walang ulo!!!
Halos panawan siya ng ulirat sa nakikita. Napahakbang siya ng patalikod habang nangingiwi sa hilakbot!
Kumurap siya ng ilang beses!
At sa isang saglit...
Si Sean...may ulo na.
Umaga.
“Aaaaaaahhhhhhhhhh!!!!!!” sigaw ni Tom nang makitang nakahandusay sa ibaba ng hagdanan si Sean.
Bumubulwak ang dugo mula sa ulunan nito. Bali ang leeg mula sa malakas na pagkakabagsak sa semento. Wala ng buhay!
Napahawak sa ulo niya si Tom. Mawawala na yata siya sa katinuan sa nasasaksihan.
Buong maghapong wala sa sarili si Tom. Hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin. Naguguluhan na siya sa mga nagyayari. Hanggang sa sumapit ang dilim ay mag-isa lang siyang nakatulala sa kanyang kwarto.
Linapitan siya ni Aling Mona na alalang-alala na rin sa naging kalagayan ng bakasyonista.
“Mabuti pa ay matulog ka na iho. Bukas na bukas, ipapahatid na kita pababa ng bayan para makauwi ka na sa inyo. Hindi ko na rin alam kung anong nagyayari dito.”anang matanda kay Tom na tulala pa rin habang nakaupo sa kama.
Inalalayan siya ni Aling Mona na humiga.
Noon lamang at parang may kung anong naramdaman si Tom.
“Bakit parang tumigas ang unan ko?”ang sabi niya sa isipan.
Hindi na lamang niya pinansin iyon.
“Matulog ka ng mahimbing iho.” malamyos na bulong ng matanda sa kanya.
Naglakad ito ng ilang hakbang palabas ng kwarto.
Muling nilingon ang nakahigang si Tom.
Si Tom...na walang ulo sa mga sandaling iyon!!!!
Napangiti lamang si Aling Mona sa nasasaksihan. Kapagkuwa’y lumabas na rin ng kwarto.
11:57 ng hating-gabi.
Nakaabang na si Aling Mona sa pinakaibaba ng hagdanan upang saksihan ang mga susunod na mangyayari sa loob lamang ng nalalabing minuto bago kumagat ang alas-dose.
Maya-maya nga ay narinig na niya ang sunod-sunod na yabag mula sa pasilyo ng ikalawang palapag ng bahay.
“Paparating na siya.”mahinang sambit ni Aling Mona.
Ilang sandali nga ay nakikita na niya ang naglalakad na si Tom habang nakapikit ang mga mata patungo sa hagdanan.
Nananaginip ito.
“Sige pa. Sige pa. Konting lakad pa.”nakangiti si Aling Mona habang pinagmamasdan ang binata.
Kagimbal-gimbal ang mga sumunod na pangyayari.
Tuloy-tuloy na naglakad si Tom hanggang sa mahulog ng tuluyan sa hagdanan!
Blag! Blagabag! Blag!
Sumirit ang dugo nito sa sahig. Bali ang leeg mula sa pagkakabagsak sa hagdanan!
Patay.
Habang nakaupo sa kanyang tumba tumba ay nakangiti lamang si Aling Mona. Hinihimas-himas niya ang isang unan.
Ang unan ng kanyang nag-iisang anak na lalaki.
Muling nagbalik ang nakaraan sa isipan ni Aling Mona. Oo, ang alaala ng anak niyang pumanaw ilang taon na rin ang nakararaan. Namatay ang anak niya nang mahulog ito sa hagdanan habang nananaginip. Sa sobrang lakas ng pagkakabagsak nito mula sa pinakataas ng hagdan ay napugot ang ulo nito dahilan upang makitlan agad ng buhay. Sa aksidenteng nangyari, hindi nila kinayang mag-asawa ang kinahinatnan ng anak na naging dahilan upang masiraan ng bait ang asawa niyang lalaki.
Ang kanyang asawa na simula ng masiraan ng ulo ay puro “Huwag kayong matutulog kahit anong mangyayari! Huwag! Huwag!” na lang ang palaging bukambibig.
Niyakap ni Aling Mona ang unan na hawak-hawak. Ulilang-ulila na siya sa yumaong anak.
WAKAS